ILUMINA (POV) Ako’y nakatayo sa isang malawak na bulwagan. Hindi ko alam kung nasaan ako, pero alam ko—isa lang itong ilusyon, pangitain, o panaginip. Biglang may nakakasilaw na liwanag ang tumama sa aking mga mata, kaya’t itinakip ko ang aking mga kamay upang protektahan ang paningin ko mula sa matinding liwanag. Maya-maya pa’y unti-unting naglaho ang liwanag, at bumungad sa akin ang isang pigura ng isang babaeng nakatalikod. "Sino ka?" mahinang tanong ko. Kahit hindi siya sumagot, alam kong sino siya. Sa presensya pa lang niya—kahit nakapikit—malalaman mong siya 'yon. Hindi na ako nag-alinlangan. Magalang kong iniluhod ang aking mga tuhod sa makintab na sahig at ini-yuko ang aking ulo bilang respeto sa Dyosa ng Kalangitan. "Tumayo ka, aking Celestina," isang napakalambing na tinig mula sa Dyosa. Tumayo ako habang nakayuko pa rin bilang paggalang. "Nais kong masilayan ang iyong angking kagandahan, aking Celestina," malambing niyang utos. Dahan-dahan kong iniangat ang aking tingin—at sinalubong ako ng kanyang umaapaw na kagandahan. Hindi ko alam kung paano ko ilalarawan ang kaanyuan ng Dyosa ng Kalangitan. Ang kanyang mukha ay perpekto. Sa totoo lang, kulang ang salitang kagandahan sa mundo para mailarawan siya. Matamis siyang ngumiti at dahan-dahang lumapit sa akin. "Alam mo ba kung bakit ako nagpakita sa’yo sa panaginip na ito?" tanong niya. Magalang kong ini-yuko muli ang ulo ko at sumagot. "Hindi po, mahal na Dyosa ng Kalangitan." "Napaka-galang mo naman, aking Dyosa ng Propesiya," natatawang sagot niya habang umiiling. "Nais ko lang ipabatid sa’yo na ang iyong misyon ay magsisimula sa paggising ng iyong mga mata. Sundan n’yo ng iyong kaibigang si Clover ang aking isinugong paruparo, upang dalhin kayo sa inyong destinasyon," seryoso niyang paliwanag. Mas lalo kong ini-yuko ang ulo ko. Nagpatuloy siya. "Sa bawat lugar o lupain na inyong madadaanan, nais kitang bigyan ng babala. Aking Celestina, huwag kang magtitiwala agad sa mga nilalang na mapagkubling anyo. Maging mapanuri ka sa mga gustong makipagkaibigan o makilala ka." "Kapag malapit na kayo sa inyong destinasyon, ang aking paruparo ay maglalaho. Doon, matatagpuan mo ang isang taong bahagi ng iyong nakaraan. Nais ko ring ipaalala na gamitin mo sa kabutihan ang mga bagong kakayahang ipinagkaloob ko sa’yo." At bago tuluyang maglaho ang kanyang anyo, may iniwang salita ang Dyosa ng Kalangitan: "Aking Celestina, ang paghihiganti ay tulay patungo sa kasamaan. Sa paggising mo, linisin mo sana ang iyong kalooban. Poot at galit ay burahin—dahil wala itong patutunguhan." --- Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Bumungad sa akin ang asul kong kisame. "Ilumina, gising ka na!" Isang maliit na tinig ang narinig ko. Napatingin ako, at nakita si Clover na nakaupo sa ulunan ko. "Paano ako nakarating sa silid ko?" tanong ko, kita ko ang pagkailang niya. "Ah… ginamit ko ang aking kaanyuhan para madala ka rito, Ilumina," magalang niyang sagot. Tumango na lang ako. "Kamusta ang pakiramdam mo?" tanong niya. Dahan-dahan akong bumangon para umupo. "Maayos na ang pakiramdam ko," sagot ko habang sinusuri ang bagong marka sa aking pulso. Isang kakaibang marka ito—isang buwan na may nakatusok na espada sa gitna. Tumayo ako at lumapit sa bintana ng aking silid. Pinagmasdan ko ang pulang buwan na unti-unti nang nagiging normal ang kulay. "Tayo na, Clover. Tayo’y bumaba upang ihatid ang bagong kasaysayan sa mundo ng mahika," seryoso kong sambit habang nakatanaw sa buwan. "Hintayin mo ako, aking mahal..." mahinang bulong ko sa hangin. --- CLOVER (POV) Nakahanda na kami sa pag-alis mula sa tore nang bigla akong may naalala. "Sandali lang, Ilumina," pigil ko sa kanya bago kami tuluyang mawala. "Bakit, Clover? May nakalimutan ka ba?" tanong niya. Tumango lang ako at mabilis na tumakbo pabalik sa silid ko. Oo, kahit kuneho ako may sariling silid ako—hindi naman ako basta koneho lang! Isa akong mystical creature—half-tao, half-kuneho. Ganon! Nagpalit ako sa anyong-tao, agad nagpunta sa lalagyan ng gamit ko, at kinuha ang isang pulang kahon. Lumabas ako, bitbit ang pulang kahon na naglalaman ng isang mahalagang sandata. "Ano ’yan, Clover?" tanong agad ni Ilumina pagkapansin sa dala ko. "Regalo para sa’yo!" masaya kong sagot. Tinanggap niya ito at ngumiti. "Salamat, Clover! Pwede ko ba itong buksan ngayon?" Tumango lang ako. Nawala bigla sa isip niya ang pag-alis namin sa tore. Pinagmamasdan ko siya—parang bituin sa langit na kay hirap abutin. Hindi ko man kayang aminin, pero may pagtingin ako sa kanya. Natatakot akong masira ang pagkakaibigan namin. Sapat na sa akin na makasama siya sa araw at gabi. Kontento na ako sa ugnayan naming dalawa. Sa aming paglalakbay, ako ang magiging gabay niya—aalalayan ko siya sa bawat minuto at poprotektahan mula sa kapahamakan. "Punyal?" bumalik ako sa realidad nang marinig ang boses ng aking Dyosa. "Bakit punyal?" tanong niya muli. Nahihiyang kinamot ko ang batok bago sumagot. "Ang totoo niyan, ang mahal na Dyosa ng Kalangitan ang nagbigay niyan. Sabi niya, ibigay ko raw sa’yo kapag nasa tamang edad ka na," sagot ko. Tumango siya at pumikit. May inusal siyang dasal ng pasasalamat. Pagdilat niya, matamis siyang ngumiti. "Tara na, Clover," masaya niyang yaya habang inilahad ang kanyang palad. Buong puso ko itong tinanggap. Kakaibang kuryente ang dumaloy sa aking katawan nang magtagpo ang aming mga kamay. Sa liwanag na bumalot sa kanyang kamay, unti-unti kaming naglaho mula sa tore—ang tore na naging saksi ng aking lihim na pagmamahal sa babaeng itinakda. At alam ko—sa kanyang paglapag sa ibaba ay siya ring paglapit sa lalaking mahal niya. At sa bawat hakbang niya patungo rito… ay siya ring pagdurog ng puso ko. Pero nandito lang ako. Para sa kanya. Kahit hanggang sa huling sandali.
Nice story
08/09/2023
0Ken
01/11/2024
0ang ganda ng kwento
23/10/2024
0View All