TODO-KAYOD si Althea nang hapong iyon. Hapon ang tamang oras na mabenta ang paninda niyang mga barbeque. Kailangan niyang kumayod dahil siya ang tumatayong nanay at tatay sa apat niyang kapatid. Kinse anyos pa lamang siya nang maulila sila sa mga magulang. Masyado pa siyang bata para akuin ang malaking responsibilidad na iyon. Ngunit wala siyang magagawa kundi kayanin ang lahat para sila mabuhay. Namatay ang mga magulang niya nang masunog ang bahay nila. Pinalad na kasalukuyan silang nasa school ng mga kapatid niya nang maganap ang sunog. Pag-uwi nila, ang nadatnan na lang nila ay ang kalunus-lunos na labi ng kaniyang mga magulang. Isa ang bahay nila sa mga natupok dahil sa isang squatter’s area lang sila nakatira sa Tondo, kung saan ay hindi maiwasang magkadikit-dikit ang mga barung-barong. Isa ang nanay at tatay niya sa mga nasawi sa nasabing sunog. Pumapatak ang luha niya sa tuwing babalikan niya ang masalimuot na trahedyang iyon. Ilang taon na ang lumipas ngunit parang kahapon lamang nangyari ang lahat. Napakabata pa nila noon para mawalan ng mga magulang na mag-aaruga sa kanila. Ngayon ay masasabing matatag na siya dahil nalampasan niya ang pagsubok na iyon na hindi niya inakalang darating sa buhay nila. Dumating mula sa pinapasukang university ang kapatid niyang si Aileen, nakangiwi. “Salamat at dumating ka na. Magbihis ka muna ‘tapos tulungan mo ‘ko dito. Parami na kasi nang parami ang bumibili.” wika niya habang pinapaypayan ang ihaw-ihaw na nakasalang sa parilya. Nakakangalay pero parte na iyon ng pagiging raketera niya. Nakita niyang nagsidatingan na rin ang iba pa niyang kapatid galing ng school. Ngunit hindi na niya pinatutulong ang mga ito. Ang paggawa ng takdang-aralin ang agad na haharapin ng mga ito. Sa sipag at tiyaga niya ay napag-aral niya ang mga kapatid sa tulong ng pagtitinda. Third year college na sa kursong Journalism ang sumunod sa kanya na si Aileen. Fully scholar ito kaya nakapagpapatuloy pa sa kolehiyo. Grade nine naman si Venice. Si Jerick ay Grade seven at ang bunsong si Bianca ay nasa ika-limang baitang na. Mababait at masunurin sa kaniya ang mga kapatid niya, bagay na ikinatutuwa niya. Kalalabas pa lamang ng paninda niyang barbeque ay sandamakmak na ang mga bumibili. Iyon ang pangunahing pinagkakakitaan niya bukod sa iba pang raket niya na pagtitinda pa rin. Karamihan sa mga suki niya ay mga lalaki na halatang nagpapalipad-hangin at nagpapa-impress sa kanya. Maganda raw siya, ang sabi ng ilan. Pero maliit lamang siyang babae. Noong high school siya ay siya ang naging muse ng paaralan nila. Dahil sa hirap ng buhay nilang magkakapatid ay wala pa sa isip niyang makipagrelasyon. Isinumpa niya iyon sa sarili, na hindi siya mag-aasawa hangga’t hindi napapabuti ang buhay ng mga kapatid niya. “Sige, Ate. Pupunta lang ako ng CR. Parang sasabog na ang pantog ko.” wika ni Aileen na nagmamadali nang makapasok sa loob ng bahay nila. Hindi niya kayang patayuan ang lupang dating kinatitirikan ng bahay nila kaya nangupahan na lamang sila sa lugar ding iyon. Sa tapat lang ng bahay nila sila nagtitinda. “Sige, basta bilisan mo. Madaming bumibili at kailangan ko ang tulong mo.” sabi ni Thea na abalang-abala sa pagpaypay. Si Aileen ang madalas niyang katuwang sa pagtitinda. Ito palagi ang kanyang ka-teamwork. Close na close sila sa isa’t isa kahit ilang taon ang tanda niya rito. Ilang sandali lamang ay agad na itong nakabalik, nakapambahay na. Tinulungan siya nito sa pag-iihaw. Pagdating sa ganoong bagay ay tulong-tulong silang magkakapatid. Maaasahan niya ang mga ito dahil hindi lamang sa pag-aaral masisipag ang mga ito. Madaling madisiplina ang mga kapatid niya bukod sa may pangarap din ang mga ito. Isa na roon ay ang makaahon sila sa hirap. “Magkano lahat?” tanong ng babaeng bumibili ng limang pirasong isaw. “Singkuwenta lang.” nakangiting sagot niya dito. “Salamat.” sabi niya pagkatapos nitong magbayad. Eksaktong eight o’clock ng gabi nang matapos sila. Tinulungan din siya ni Aileen sa paglilinis ng mga ginamit nila sa pagtitinda. Pagkatapos ay naligo na siya at nagpahinga. Nanatili siyang nakahiga sa papag na kawayan na nalalatagan lamang ng lumang banig. Hindi kaagad siya makatulog. Sumagi sa isipan niya ang buhay nilang magkakapatid niya. Maayos-ayos na ang pamumuhay nila kumpara noon. Kaysarap isiping kahit paunti-unti ay naigagapang niya ang pag-aaral ng mga ito. Lagi niyang pinaaalalahanan ang mga kapatid, lalo na si Aileen na iwasan muna ang magpaligaw at pakikipagrelasyon. Dahil maganda ito ay alam niyang may mga nanliligaw dito sa pinapasukan nitong pamantasan. Kaya lagi niyang pinagsasabihan ito na pag-aaral muna ang atupagin. Sumusunod naman ito at pilit na umiiwas sa pakikipagbarkada. Pag-aaral talaga ang priority nito at labis niya iyong ikinatutuwa. Sanay nang gumising ng maaga si Althea, gayundin ang mga kapatid niya. Papasok na ang mga ito sa eskuwela at siya ang nag-aasikaso ng pangangailangan ng mga ito. Siya ang naghahanda ng almusal nila. Pagkatapos magsialis ang mga kapatid niya ay ang pamamalengke naman ang haharapin niya. Iyon ang routine niya sa araw-araw. Pagdating ng bahay ay isinalang na niya ang mga lamang-loob ng baboy at manok upang palambutin. Inihanda na niya ang ilang lata ng condense milk. Iyon ang isa pa sa mga raket niya, ang paggawa ng yema. Madali iyong pagkakitaan at masarap siyang magluto ng yema dahil hindi niya ‘yon tinitipid sa sangkap. Matapos ang lahat, ni-repack at inilako na niya ang mga iyon. Mga tindahan sa kanilang lugar ang binabagsakan niya. Isinasabay na niya sa pagtitinda ang Gluutatayon soap na hinahango niya sa isang kakilala. Dumaan muna siya sa pinakamalapit na tindahan mula sa kanila, ang tindahan ni Nanay Maring. “Nanay Maring, ito na po ‘yong order ninyong yema.” nakangiting wika niya sa may-ari ng tindahan. Si Nanay Maring ay ina ng matalik niyang kaibigan na si Aya. Mabait ito sa kaniya at anak na kung ituring siya. Kaibigan ito ng nanay niya noong nabubuhay pa. “Salamat, Thea. Mabuti at dinalhan mo ako ng yema. Ubos na kasi ‘yong huling dinala mo sa akin n’ong isang araw.” sabi naman nito. Abala ito sa pag-aayos ng mga paninda sa sari-sari store nito. “Mabenta po ba?” nakangiting tanong niya. “Naku, anak! Sobrang mabenta, lalo na sa mga bata. Masarap kasi kaya sulit na sulit sa mga bumibili.” Kaya masarap ang kaniyang yema ay dahil sinasahugan niya iyon ng langka kaya malasa. “Matanong nga kita, Thea.” pagdaka’y seryosong wika ni Nanay Maring. “Ikaw ba ay walang balak na makipag-boyfriend?” “Nanay Maring, matatagalan pa siguro bago ako makipagrelasyon. Marami pa kasi akong pinag-aaral. Makapaghihintay naman ang pag-ibig, ‘Nay. Hindi po ako nagmamadali.” When she thought of romance, ang artisstang si Alpredd Bargaz ang nabubuong imahe sa isip niya. Idol na idol kasi niya ito. Kung magkaka-boyfriend siya, sana ay hindi nalalayo sa hitsura at built ng nasabing acctor. Hiling lang naman niya. “Naiintindihan kita Thea. Ang sa akin lang, kahit papaano ay may tutulong sa iyo para sa mga kapatid mo. Hindi ka na bumabata. Huwag kang tumulad kay Aya na hanggang ngayon ay wala pang ipinakikilalang boyfriend sa akin. Malapit na ngang mawala ang edad ng babaeng ‘yon sa kalendaryo.” tukoy nito sa anak. Nasasabik na raw kasi itong magkaapo. Mas matanda si Aya sa kanya ng tatlong taon. Beinte-singko anyos siya samantalang ito ay beinte-otso na. Sabay silang lumaki sa lugar na iyon at higit pa sa isang magkapatid ang turingan nila sa isa’t-isa. Bumili sa kaniya si Nanay Maring ng dalawang piraso ng sabong ginagamit ni Aya. Sa Laguna pa kasi nagtatrabaho ang kaibigan niyang iyon. Tuwing payday lang ito nakakauwi. Madalang na silang magkita mula nang madestino ito sa Laguna. Kaya sa tuwing nagkikita sila ay parang sampung taon silang naghiwalay. Kanya-kanya sila ng kwentuhan ng mga escapades nila sa buhay, lalo na kapag pinagsama-sama silang tatlo nina Aileen. Siya si Althea, the Raketera. Aya, the Office Girl. At si Aileen naman ay news anchor to the max in the future. Happy sila kapag magkakasama silang tatlo.
this story is amazing
15/09/2024
0nice
09/07/2024
0goodstory
02/11/2023
0View All