KUNG hindi nakakapagluto ng yema si Thea ay ang pagtitinda naman ng turon at banana que ang pinagkakaabalahan niya. Maaga siyang nakaubos niyon kaya inihanda na niya ang gagamitin sa pagtitinda ng barberque. Mabilis niyang naayos ang mga iyon. Unti-unti nang dumadagsa ang mga suki niya. Nagsidatingan na ang kanyang mga kapatid kaya naging madali sa kanya ang pagtitinda. Maging ang bibong si Bianca ay tumutulong sa kaniya. Tagatawag ito ng mga costumers habang binabanatan ng paypay ang ihawan. Seven o’clock nang matapos sila sa pagtitinda. Tinulungan siya ng mga ito sa pagliligpit ng mga kasangkapan. “Venice, Jerick, may assignment ba kayo?” Sabay na tumingin sa kanya ang dalawang kapatid. “Wala, Ate.” duweto ng dalawa. Binalingan naman niya ang kanilang bunso. “Eh, ikaw Bianca. Meron ba?” “Ate, meron. Tinutulungan lang muna kita bago ko gawin. Madali lang naman kasi. Mani lang sa akin ‘yon. Kayang-kaya ko ‘yon!” Ngiting-ngiti ito habang nagsasalita. Hinihintay na lamang nilang maluto ang sinaing. Medyo mabagal iyon dahil kalang de uling ang gamit nila. Binalingan naman niya si Aileen. Abalang-abala ito sa pagbibilang ng mga napagbentahan nila. Sa ganoong paraan nila nairaraos ang pamumuhay nila sa araw-araw. “Ikaw, Aileen. Kumusta ang pag-aaral mo?” “Ayos naman, Ate. Hangga’t maaari ay iniiwasan ko ang pakikipagbarkada. Gusto kong matupad ang pangarap kong maging newscaster o news anchor.” “Baka naman may boyfriend ka na, ha? Alalahanin mo muna ang mga kapatid mo.” paalala niya. “Ate, wala pa akong boyfriend. Mas inuuna ko ang thesis at project ko kaysa sa mga lalaking ‘yan. May panahon para diyan. ‘Pag nakatapos na ako, magpapahinga ka na. Ako na ang bahala sa mga kapatid ko. Kung gusto mo magpatuloy ka sa pag-aaral, Ate.” sabi nito. Umayos ito ng upo nang matapos magbilang. Halos pareho sila ng katwiran ni Aileen, ang maitaguyod ang magandang kinabukasan ng mga kapatid niya. High school lamang ang tinapos niya dahil kailangan niyang mag-concentrate sa pagtitinda para mabuhay sila. “Mabuti naman kung gan’on. At least, mas alam ko na hindi ka gagaya sa iba d’yan. Hindi naman sa pinagbabawalan kita sa pakikipagrelasyon. Ang sa akin lang ay isipin mo muna ang kapakanan ng mga kapatid mo at magtulungan tayong maihanda ang kinabukasan nila.” Naging seryoso na siya sa pagsasalita. “Ate, naiintindihan kita. Alam kong lahat ng ‘yon kahit ‘di mo sabihin. Hinding-hindi ako lalagpas sa guhit dahil alam kong kapag lumampas ako ay posibleng hindi na matupad ang pangarap ko. Hindi ko sasayangin ang pagpapaaral mo sa akin. Salamat, Ate.” Mamasa-masa na ang mga mata nito habang nagsasalita. Nilapitan niya ito at niyakap. Wala siyang masasabi rito. Hanga siya sa disiplinadong pag-uugaling ipinakita nito at alam niyang hindi malayong makamit nito ang mga pangarap. “Mga ate, kakain na po.” magalang na anunsyo ng kapatid nilang si Jerick. Pagharap niya dito ay nakita niyang nakahain na ang lahat. Nakadulog na din ang mga kapatid niya at sila na lamang ni Aileen ang hinihintay. Paupo na sana siya nang may biglang may kumatok. Siya na ang tumayo para pagbuksan ang kumakatok. Tumambad sa kanyang paningin ang guwapong si Richard. Naka T-shirt lamang ito at nakatokong na dark blue ang kulay. Nagmukhang bata itong tingnan kaysa sa unang pagtatagpo nila nito na naka-business suit noon. Nakatsinelas lang din ito. Pero mapaghahalatang mamahalin ang halaga ng mga suot nito. “Pasok ka.” Nagpaskil siya ng maluwang na ngiti. Binalingan niya ang mga kapatid. Kapwa natigilan ang mga ito sa pagkain. Nakabahid sa mga mukha ang pagtataka. Nagtatanong ang tinging ipinukol sa kanya ni Aileen. “Magandang gabi sa inyo.” nakangiting bati ni Richard. Ngiti din ang naging tugon ng mga kapatid niya. “Kumain ka na?” hindi nakatiis na tanong niya dito. “Not yet. Pagdating ko kasi sa condo ko ay nagpalit lang ako saglit ng casual na damit. Dumaan muna ako sa restaurant ng kaibigan ko at nagpa-take-out para sa ating lahat.” sabi nito. Ngayon lang niya napansin ang bitbit nitong malaking paper bag na mukhang maraming laman. “Nag-abala ka pa.” aniya. “Wala ‘yon.” “Kakain na sana kami ng hapunan nang bigla kang dumating. Tara, sabay-sabay na tayo.” Iniabot nito sa kanya ang paper bag. Inilabas niya isa-isa ang laman niyon sa mesa at kumuha siya ng isa pang pinggan para kay Richard. Nakaramdam siya ng gutom nang makita niya ang tatlong kinulob na manok na nakabalot sa textile plastic. May kasama pang kanin na nakalagay naman sa anim na styropore. Halatang ipinasadya talaga iyon. Dumako ang tingin niya kay Aileen. Tila hindi ito makapaniwala base sa ekspresyon ng mukha nito. Siguro ay dahil ngayon lang nito nakita si Richard. Kanina pa niya ito napapansin na parang may gustong sabihin. Tumayo pa ito sa kinauupuan at hinarap si Richard. “Richard Morales?” Kumurap-kurap ito. Balot ng pagtataka ang kanyang mukha. “Aileen, kilala mo siya?” tanong niya. “Oo ate, kilalang-kilala at hindi ako makapaniwalang nandito siya sa pamamahay natin at sa mismong harapan ko pa.” Mababa naman ang tono ng pananalita nito. Hindi pa din nawawala ang nakikita niyang pagkalito sa mukha nito. “Paano mo siya nakilala?” usisa niya sa kapatid. “Ate, kung hindi ako nagkakamali, siya nga talaga si Richard Morales.” Nilingon niya si Richard. Walang mababakas na expression sa mukha nito. Prenteng nakatayo lamang ito. “Siya ang CEO ng Asian Blue Realty. Naging ka-date niya si Amarie Gonzaga na super sikat na international model. Hindi mo ba nabasa sa diyaryo, sa magazine o kahit sa TV? Sikat na sikat ang pangalan nila sa showwviz ngayon.” patuloy ni Aileen. Wala itong kakurap-kurap habang nagsasalita. Hindi siya nakapagsalita. Sobrang yaman pala ni Richard. At ka-date nito ‘yong sinasabi ni Aileen na modelo, si Amarie Gonzaga. Bakit nakakaramdam siya ng selos? “Dinig na dinig ko ang pinag-uusapan ng mga classmate ko.” dugtong pa ni Aileen. Ipinakita niya sa akin ‘yong magazine na nag-featured sa kanila ni Amarie Gonzaga. Siya nga iyon, Ate. Si Richard Morales. Kalat na kalat ang balitang may namamagitan na sa kanilang dalawa.” sabi nito habang nakatutok sa kaniya ang mga mata nito. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Maniniwala ba siya o hindi? Alam niyang kahit kailan ay hindi nagawang magsinungaling ni Aileen sa kanya kaya malaki ang posibilidad na nagsasabi nga ito ng totoo. Hindi niya maiwasang magtaka. May Amarie Gonzaga na pala ito na modelo at tiyak na maganda. Pero bakit parang nagpakita ito ng interes sa kaniya? At hinalikan pa nito ang kamay? Naguguluhan siya sa mga nalaman mula kay Aileen. “Trending na nga talaga ang pangalan ko.” sabi ni Richard na napapailing. Nakangiti lamang ito na parang balewala ang lahat. “Hindi totoo ang balita. Hindi ko ka-date si Amarie. Nagkakilala lang kami sa bar at nagkakuwentuhan. ‘Yon lang. Pero pinalaki ng mga reporter ang issue. Wala talagang namamagitan sa amin ni Amarie.” Hindi rin niya alam kung bakit siya nakahinga ng maluwag. May bahagi sa puso niya na naniniwala rito. Hindi siya magtataka kung dumugin man ito ng mga babae dahil talaga namang malakas ang taglay nitong pang-akit sa mga kabaro niya. “Hindi ko naman nilalahat pero may mga taong makikitid ang utak.” Napapangiti pa ito habang patuloy sa pagpapaliwanag. “Pakiramdam ko nga grounded ako. Parang lahat na lamang ng ginagawa ko ay alam ng lahat. Maraming nagbigay ng malisya sa simpleng pakikipaglapit sa akin ni Amarie. Alam kong kalat na kalat na ang isyu pero hindi ko na lamang pinapansin. Hindi ako naapektuhan dahil wala namang katotohanan ang kumakalat na balita tungkol sa amin. Mag-aaksaya lang ako ng oras kung papatulan ko pa iyon.” Kampante lamang ito at halatang hindi talaga apektado. Narinig rin niya ang panig nito at ramdam niya na nagsasabi ito ng totoo. Mas gumanda ang impresyon niya rito. Na mapagkakatiwalaan niya ito. Kung tutuusin ay kahapon pa lamang niya ito nakilala pero heto na sila, magkakaharap sa hapag-kainan na kung titingnan ay parang matagal na niya itong kakilala. Dumating si Aya na may dalang nakatakip na mangkok. “Ay! May bisita pala kayo. Pinadalhan kayo ni nanay ng ulam.” Isinama nito sa mga pagkaing nasa mesa ang mangkok. “Sino siya, Thea?” tukoy nito kay Richard. “Siyanga pala, Richard. Si Aya, bestfriend ko.” Ang kaibigan naman ang binalingan niya. “Aya, si Richard.” Nagkamay ang dalawa. “Magkaanu-ano kayo? Magkamag-anak?” Nakulangan ito sa impormasyon niya sa lalaki. “Bagong kakilala at kaibigan.” sagot niya. Bumulong sa kaniya si Aya. “Magkaibigan lang talaga? Bakit ang lagkit ng tingin niya sa iyo?” Bumulong din siya rito. “Ikaw talaga. Lahat na lang pinapansin mo.” Kukurutin sana niya ito pero ngingiti-ngiting nagpaalam na ito. “Aalis na ako. Richard, nice to see you.” paalam nito sa bisita nila. “Nice to see you too, Aya.” Lumayas na rin sa wakas ang mahadera niyang kaibigan. Tapos nang kumain ang tatlo niyang kapatid kaya nagpaalam ang mga ito na matutulog na. Sila na lang tatlo ang natira sa hapag. Tahimik silang kumain pero lihim niyang tinitingnan si Richard. Naramdaman siguro nitong nakatingin siya rito kaya nilingon siya nito. Nagkatitigan sila. Kaya napatigil siya sa akmang pagsubo. Parang nahihipnotismo siya sa paraan ng pagtitig nito. Siya na ang unang nagbaba ng tingin dahil tila napapaso siya sa mga titig nito. Aminado siyang ginising nito ang kanyang natutulog na puso. Mahirap man isipin pero sa maikling oras na magkakilala sila ay mayroon na siyang naramdamang kakaiba rito. Hindi na iyon simpleng paghanga. Alam niyang hindi iyon ang tamang panahon dahil ang tanging priority niya ay ang kanyang mga kapatid. Ngunit hindi niya mapigilan ang pagtibok ng puso para rito. Tila hindi na niya mapapanindigan pa ang salitang binitiwan niya noon na hindi muna siya iibig. Kaya nababahala siya. “Ate, ire-rewrite ko lang ‘yong research paper ko. Mauna na ako kasi medyo marami-rami ‘yon. Kuya Richard, salamat nga pala sa masarap na pagkain.” baling nito kay Richard. “You’re welcome, Aileen.” sabi nito. “ Sige, mauna ka na at ako na ang bahala dito.” aniya na ang tinutukoy ay ang kanilang pinagkainan. Pumasok na ng nag-iisang silid si Aileen. Doon ito madalas mag-review. Sinimulan niyang ligpitin ang mga pinggan. Sa kaniyang pagkabigla ay tinulungan siya ni Richard. “Ako na ang bahala rito. Alam kong hindi ka sanay sa ganitong gawain.” sabi niya rito habang pinipigilan ito sa pagkuha ng mga pinggan. Nahihiya siya dahil napakayaman nito, tapos ay magiging tagahugas lang ng pinagkainan nilang magkakapatid. “Thea, wala ‘to. Who said boys don’t wash dishes? I can do it myself. Hindi porke lalaki ako ay hindi ako puwedeng gumawa ng ganitong bagay.” sabi nito at pinagpapatong-patong ang mga pinggan na kailangan nang hugasan. “Pasensiya na. Ang alam ko kasi sa mayayamang tulad mo ay sila ang pinaglilingkuran. Saka sa itsura mong iyan, hindi ka bagay na maghugas ng plato. Kaya ako na d’yan. Kayang-kaya ko na ‘yan.” sabi niya. Pero hindi niya napigilan ito sa gustong gawin. “Mayaman? Paano mo naman nalaman na mayaman nga ako?” tanong nito. Dinala nito ang mga pinggan sa lababo. “Kotse at pananamit pa lamang, masasabi nang mayaman ka na. At saka ano yong sinabi ni Aileen? CEO ka ng Asian Blue Realty?” “Nagbibiro lang ang kapatid mo.” sabi nito na magkibit lamang ng mga balikat. Alam niyang nagsisinungaling lang ito. “Ipaubaya mo na sa akin ‘to, Thea. Pagod ka. Marunong din naman akong maghugas kahit papaano.” Nakaramdam siya ng tuwa sa narinig. Pinagmamalasakitan siya nito? Pagod daw siya at gusto nitong akuin ang gawain niya. Nakaka-touched pala na mayroong lalaking nagpapahalaga at nag-iingat sa kaniya. At mukhang disidido talaga itong tulungan siya. Sinimulan na nito ang paghuhugas ng mga pinggan. Mabuti na lang at may gripo ang lumang apartment na inuupahan nila kaya naging komportable ito. Kinuha niya ang malinis na basahan sa pasimano ng lababo. Pinunasan niya ang mesa. Nagpunas ito ng mga kamay nang makatapos at muli siyang hinarap. Hindi sinasadyang nagkatitigan na naman sila. Muli ay naramdaman niya ang matinding init na bumabalot sa pagkatao niya tuwing nagkakasalubong ang kanilang mga paningin. Tumikhim ito at unti-unting lumapit sa kaniya. Parang napako siya sa kinatatayuan ng mga sandaling iyon. Hindi niyang magawang umatras. Hanggang sa magkalapit na magkalapit na sila at isang dangkal na lamang ang distansya nila. Dama niya ang maiinit nitong hininga na humahaplos sa mukha niya at ang gamit nitong panlalaking pabango. Nakatingala siya rito dahil sa sobrang tangkad nito. Hindi siya makagalaw. Waring umurong ang dila niya sa kawalan ng sasabihin. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Nakakabingi ang malakas na tibok ng kaniyang puso. Sa haba ng panahon, sa dalawampu’t limang taon niyang nabubuhay sa mundo ay ngayon lang niya naranasan ang ganoong klase ng pakiramdam na tanging si Richard lang ang nakapagpadama sa kanya. Matiim itong nakatitig sa kaniyang mukha. Ramdam niya ang paggapang ng init sa kanyang mga pisngi. Ikinurap niya ang mga mata kung totoo bang nangyayari iyon. At kung sakaling panaginip man iyon ay mas pipiliin niyang huwag munang gumising. Sa lahat ng panaginip niya ay iyon talaga ang pinakagusto niya, ang makaharap ang lalaking unang nagpatibok ng puso niya. Kahit napatunayan niyang hindi iyon isang panaginip ay hindi pa rin niya makumbinsi ang sarili. Gaya niya ay umurong din yata ang dila nito. Narinig niya ang malalim na paghinga nito. Sinalubong niya ang mga titig nito. “Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na narito ka sa harapan ko, Thea. Salamat sa pagtitiwala na kahit estranghero lang ako ay nagtiwala ka sa akin. Na kahit hindi mo pa ako lubos na kilala ay nagawa mo akong papasukin sa bahay ninyo.” wika nito sa seryosong tinig. Kahit siya ay hindi niya akalaing magtitiwala siya rito. Noong una ay tinanong niya ang sarili tungkol doon. Pero iisa ang isinagot ng puso’t isipan niya, na magtiwala siya ng buong-buo rito. Alam niya, sa kaibuturan ng puso niya na mabuti ang intensyon nito sa kaniya. “Nararamdaman ko namang maganda ang hangarin mo kaya hindi ako nagdalawang-isip na tanggapin ka bilang kaibigan.” Kaibigan nga kaya? She knew right from this moment that there was a hidden special feeling she felt for him. She couldn’t deny it. The feeling of falling in-love. Umibig na ba siya rito sa unang pagkakataong nasilayan niya ito? Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at bigla na lamang siyang hinalikan sa mga labi. Sa bilis ng pangyayari ay hindi siya nakahuma. Aminado siyang gustung-gusto niya ang pagsasanib ng kanilang mga labi kaya hindi niya nagawang magpumiglas. Umawang nang kusa ang kanyang mga labi upang tanggapin ang halik nito. It was her first kiss. Aminado rin siyang hindi siya marunong humalik. May kalakip na gentleness ang bawat galaw ng labi at dila nito. Nadala siya ng kaniyang damdamin. Kusang naglambitin ang dalawang braso niya sa leeg nito. Ramdam niya ang init ng katawan nito. Maging siya ay ganoon din. Habol nila kapwa ang hininga nang maghiwalay ang mga labi nila. Napayuko siya sa hiya dahil nagpahalik siya rito. Marahil ay pinagmamasdan lang siya ni Richard dahil nakatayo lang ito sa harapan niya. Nag-angat siya ng tingin. Nakita niya ang malambot na anyo ng mukha nito. Tumaas ang isang kamay nito at hinawakan ang kanyang pisngi. “You make me happy, Thea. Sana ay magustuhan mo ako hindi bilang isang kaibigan lang kundi isang lalaking nagmamahal sa iyo.” “Mahal mo ako?” aniyang hindi makapaniwala. Totoo kaya ang sinabi ni Richard? “Oo, Thea. Nagkaroon ka na ng espayo sa puso ko sa unang kita ko pa lamang sa iyo.” Iyon ang isang bagay na kinatatakutan niya. Hindi na rin niya mapipigilan ang sariling umibig rito. Pero kailangan niyang pangatawanan ang ipinangako niya sa sarili. Paano na ang mga kapatid niya kung mahahati ang atensiyon niya sa dalawa? “Lumalalim na ang gabi. Uuwi na ako at babalik na lang ako bukas, Thea.” “S-sige.” Hindi niya maiwasang hindi mag-stammer sa sobrang kaba. Halo-halo ang mga emosyong nadarama niya. Hindi niya magawang maka-recover agad sa katatapos na halik na pinagsaluhan nila. Pinasaya nito ang gabi niya at alam niyang babaunin niya ang matamis na halik na iyon hanggang sa pagtulog. Nagpapaalam na ito. Sumingit ang panghihinayang sa kanyang dibdib dahil hindi na niya uli ito masisilayan. Inihatid niya ito sa labas, sa kinapaparadahan ng Volvo nito kung saan ay nakita niyang may mangilan-ngilang umuusyosong mga kapitbahay niya. Hindi na katakataka kung headline siya bukas sa lugar nila. Hinalikan muna siya nito sa noo bago sumakay sa kotse nito. Nagawa pa nitong buksan ang bintana sa tabi nito. Binigyan siya ng matamis na ngiti. Kumaway siya rito. Kumindat pa ito bago isinara ang bintana ng kotse. Nasundan na lang niya ng tingin ang papalayong sasakyan nito. Pumasok siya sa bahay na may ngiti sa mga labi. Dala niya ang ngiting iyon hanggang sa pagtulog. Hinding-hindi niya malilimutan ang gabing iyon. Nasa isipan niya ang unang halik na naranasan niya at ang lalaking gumawa niyon sa kanya.
Obrigado
Apoie o autor para lhe trazer histórias maravilhosas
this story is amazing
15/09/2024
0nice
09/07/2024
0goodstory
02/11/2023
0Ver Todos